ni Dylan Reyes
Inaresto ang tatlong estudyante mula sa Unibersidad ng Pilipinas Los Baños (UPLB) matapos silang magsagawa ng lightning rally sa harapan ng Aguinaldo Mansion sa Kawit, Cavite habang ipinagdiriwang ang Araw ng Kalayaan, ika-12 ng Hunyo.
Kinilala sina John Carlo Alberto (BS Veterinary Medicine) at Romina Marcaida (BS Sociology) ng Anakbayan at si Charissa Cañeso (BA Communication Arts) ng League of Filipino Students ang mga estudyanteng kinasuhan ng illegal assembly dahil sa paglalabas ng placards at banner habang nagaganap ang programa para sa Araw ng Kalayaan.
Ipinapanawagan umano ng grupo ng mga nagprotesta ang pagbaba sa pwesto ni Pangulong Benigno Aquino at pagkakaroon ng huwad ng kalayaan sa ating bansa.
Dinala ang tatlo sa Kawit Municipal Police Station kasama ang siyam na nagsagawa ng protesta sa nasabing programa. Miyembro ng iba’t ibang sektor mula sa Timog Luzon ang mga nagprotesta kasabay ng pananalita ni Camarines Sur District III Representative Leni Robredo.
Ayon sa tagapangulo ng Anakbayan UPLB na si Vincent Guiller Amores, 14 umano silang lumahok sa lightning rally habang isinasagawa ang nasabing programa sa harapan ng Aguinaldo Mansion. Aniya pa,nauna umanong dinala si Cañeso sa presinto. Ayon sa ulat, nagtamo ng sugat sa may balikat si Alberto dahil sa pag-aresto sa kanya ng mga pulis.
Kasabay ng paggunita ng lokal na pamahalaan ng Kawit sa ika-117 na Araw ng Kalayaan ay nagprotesta rin malapit sa Aguinaldo Mansion ang may 100 miyembro ng mga organisasyon mula sa Timog Luzon.
Patuloy namang ipinapanagawan ng grupo ang agarang pagpapalaya sa mga inaresto.
“Yung takot naming ay dahil holiday today tapos weekend kinabukasan, baka Lunes pa ang pinakamaagang paglabas,” dagdag ni Amores.
Kasalukuyang nakikipag-ugnayan ang grupo ng Karapatan kasama ang ilang tauhan ng simbahan para sa kaso ng 12 nagprotesta.