Quantcast
Channel: Balita – Philippine Collegian
Viewing all articles
Browse latest Browse all 199

Naantalang pamamahagi ng insentibo, binatikos ng mga manggagawa

$
0
0

CNA

■ Camille Guadalupe Lita

Kinalampag ng mga manggagawa at lider-estudyante ng UP Diliman at Los Baños ang ika-1,320 pagpupulong ng Board of Regents (BOR) noong Agosto 25 sa Quezon Hall, upang iprotesta ang naudlot na pamamahagi ng taunang insentibo ng mga manggagawa ng unibersidad.

Mag-iisang taon na mula nang lagdaan ng administrasyon ng UP at  All UP Academic Employees’ Union (AUPAEU)  ang Collective Negotiation Agreement (CNA) na naglalayong ipamahagi sa mga regular at kontraktwal na manggagawa ang taunang insentibong nagkakahalaga ng hindi hihigit sa P25,000. May bisa ang kasunduan mula Hulyo 6, 2015 hanggang Hulyo 5, 2020.

Sa kabila ng kasunduan, bigo ang administrasyon na maibigay ang kabuuang P25,000 insentibo para sa taong 2015. Walang savings ang unibersidad para rito, ayon sa pahayag ni UP President Alfredo Pascual sa nasabing pagpupulong.

Wala ring naihaing counter proposal ang UP panel hingil sa pamamahagi ng insentibo, ayon kay Perlita Raña, tagapangulo ng AUPAEU sa Diliman.

“Mukha na kaming nagmamakaawa, nakakademoralize. Gusto na namin matapos ito. Okay lang sa amin na sabihin ng UP Panel na walang [insentibong maipapamahagi] para mag-file nalang kami [ng kaso sa Ombudsman],” ani Raña.

Bilang alternatibong solusyon sa naantalang CNA, inaprubahan sa parehong pagpupulong ang P15,000 na health and wellness benefits para sa regular at UP contractuals na ipanamahagi simula Setyembre 2. Magmumula ang pondo sa kita ng UP, gaya ng mula sa UP Ayalaland Technohub, UP Town Center, at Philippine General Hospital pay ward, ayon sa Memorandum No. PAEP 16-47.

Kinundena naman ng mga lider-estudyante ang pamamahagi ng health and wellness benefits sa mga manggagawa sa halip na tuparin ang napagkasunduan sa CNA.

“Isang manipestasyon ang pagkaunti ng kaguruan sa UP dahil hindi sila nabibigyan ng sapat na sahod. Patuloy niyong [Pascual admin] kinokontraktwal ang mga paggawa dito sa unibersidad. Huwag po natin silang bigyan ng P15,000 bilang pa-kunsuwelo lang na magpapatahimik sa kanila,” ani University Student Council Chairperson Bryle Leaño.

Dagdag pa rito, tanging mga regular at kontraktwal na manggagawa lamang ang saklaw ng CNA. Hindi makatatanggap ng insentibo ang non-UP contractuals alinsunod sa naturang memorandum, bunsod ng kawalan ng employer-employee relationship nito sa UP.

Kaiba sa kontraktwal na manggagawa, nangangailangan ng contract renewal ang non-UP contractuals tuwing anim na buwan upang manatili sa trabaho. Kabilang sa non-UP contractuals ang mga guwardiya at janitors ng unibersidad, na kinukuha lamang mula sa mga pribadong ahensya.

“Isinusulong namin ang pagkakaroon ng Technical Working Group (TWG) na aaralin ang pagbibigay ng benepisyo sa non-UP contractuals upang mabigyan ng benipisyo gaya ng regular at UP contractuals,” pahayag ni Nelin Dulpina, pangulo ng Alliance of Contractual Employees in UP (ACE-UP).

Mahigit 3,422 UP contractuals at 3,220 non-UP contractuals ang nagtatrabaho sa buong UP System, ayon sa datos ng ACE-UP sa taong 2012. Kabilang ang mga ito sa humigit-kumulang 1.96 milyong Pilipino na hindi regular ang uri ng trabaho sa ilalim ng pamumuno ni dating Pangulong Benigno Aquino III, ayon sa tala ng Integrated Survey on Labor and Employment noong 2014.

Sa kabila ng pangako ni Pangulong Rodrigo Duterte noong nakaraang eleksyon na wawakasan ang kontraktwalisasyon sa bansa, wala pa ring kongkretong hakbang ang administrasyon upang matuldukan ang isyu ng mga manggagawa.

“Panawagan naming gawing regular na ang mga kontraktwal na manggagawang nagtatrabaho rin ng mga trabaho ng regular,” ani Dulpina. ■

The post Naantalang pamamahagi ng insentibo, binatikos ng mga manggagawa appeared first on Philippine Collegian.


Viewing all articles
Browse latest Browse all 199

Trending Articles