Quantcast
Channel: Balita – Philippine Collegian
Viewing all articles
Browse latest Browse all 199

Hustisya sa karahasan sa US Embassy, hangad ng mga katutubo

$
0
0

■ Hans Christian E. Marin

Nagsampa ang Sandugo, alyansa ng mga pambansang minorya, ng mga kaso sa Office of the Ombudsman kontra sa 10 miyembro ng Philippine National Police (PNP) na sangkot umano sa karahasan sa mga katutubong nagprotesta sa US Embassy noong ika-19 ng Oktubre.

Isang tagapagsalita na lamang sana ang natitira sa protesta kung saan iginiit ng mga katutubo ang pang-aabuso ng pamahalaan ng US nang biglang utusan umano ni Senior Supt. Marcelito Pedrozo ang mga pulis na patigilin sila, ayon sa Sandugo. Iyon ang naging hudyat upang managasa si PO3 Franklin Kho ng ilang mga nagpoprotesta at miyembro ng minorya.

Kabilang sina Pedrozo, ground commander ng mga pulis sa protesta, at Kho sa kinasuhan. Haharapin ng mga pulis ang mga kasong multiple attempted murder, serious physical injuries, unlawful arrest, obstruction of justice, grave misconduct, at grave abuse of authority and conduct unbecoming of a public officer.

Mahigit-kumulang 50 ang sugatan habang 42 ang iligal na inaresto ng mga pulis sa isinagawang protesta upang suportahan ang independent foreign policy ni Pangulong Rodrigo Duterte at pigilan ang pakikialam ng US sa ating bansa, ayon sa Karapatan Alliance for the Advancement of People’s Rights (Karapatan). Dahil sa pananagasa ni Kho, 11 naman ang malubhang dinala sa ospital.

Walang lugar ang halos 200 na mga pulis na nagsagawa ng karahasan sa mga katutubo sa gobyernong gumagawa ng mga hakbang upang paigtingin ang kapayapaan at independent foreign policy sa bansa, ayon kay Jerome Succor Aba, co-convenor ng Sandugo.

Isa si Piya Macliing Malayao, secretary general ng Kalipunan ng Katutubong Mamamayan ng Pilipinas (Katribu) sa mga katutubong nasagasaan ni Kho. Aniya, tuloy lamang ang kanyang pakikibaka upang mabigyan ng hustisya ang mga tulad niyang nakaranas ng karahasan mula sa mga pulis.

 “Ipinapakita lamang ng dispersal sa US Embassy kung kanino mas pumapanig ang PNP. Mas pinapahalagahan pa nila ang utos ng US kaysa sa lehitimong mga panawagan ng mga pambansang minorya,” ani konsehal Ben Te ng University Student Council.

Paggiit ng karapatan

Nagtipon ang halos 3,500 katutubo at Moro mula sa Cordillera, Timog Luzon, Mindanao, at iba pang parte ng bansa sa UP Diliman mula ika-13 hanggang ika-27 ng Oktubre para sa dalawang linggong Lakbayan, upang igiit ang kanilang karapatan sa lupang minana at sariling pagpapasya. Nagsimula noong 2010, isinasagawa ang Lakbayan upang ipanawagan ang karapatang-pantao ng mga katutubo at minorya sa gobyerno.

Ngayong taon, nagsagawa ng ilang malawakang protesta ang mga grupo ng pambansang minorya sa iba’t ibang ahensya tulad ng Department of Environment and Natural Resources kung saan nanawagan silang paalisin ang mga iligal na kumpanya ng pagmimina at pagtotroso.

Una na rin silang nanawagan sa Department of Justice upang ipabasura ang mga kaso ng ilang mga aktibista sa Camp Aguinaldo, at ipatigil ang Oplan Bayanihan na nagdudulot ng militarisasyon at pagpatay sa mga katutubo. Ngunit imbis na pakinggan sila, tubig mula sa water cannon lamang ang ibinigay sa kanila ng mga pulis.

“Iisa lamang ang aming layunin na magkaroon tayo ng karapatan sa ating sariling pamayanan. Dapat tayong magsulong ng pambansang industriyalisasyon at magkaroon tayo ng sariling mga makinarya para tayo na lang ang magmimina at gagawa ng mga kagamitan,” ani Minda Dalinan, pangkalahatang kalihim ng Kahugpungan ng mga Lumad sa Halayong Habagtang Mindanao.

Usaping pangkapayapaan

Nagpahayag naman ang National Democratic Front of the Philippines (NDFP) ng suporta sa mga katutubo at nangakong isasama ang kanilang mga karapatan sa kanilang usaping pangkapayapaan sa Government of the Republic of the Philippines (GRP).

Nakapaloob sa Comprehensive Agreement on Socioeconomic Reforms (CASER) ng NDFP ang mga karapatan ng mga katutubo sa sariling pagpapasya, ayon kina NDFP consultants Benito Tiamzon at Wilma Tiamzon. Kabilang din sa CASER ang pagpapaigting sa pambansang industriyalisasyon at agrikultura ng bansa.

Isa rin ang Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL) sa mga napag-usapang polisiya ng NDFP at GRP sa kanilang usaping pangkapayapaan. Binibigyang diin nito ang karapatan sa malayang pamamahayag at pagtitipon.

“Nararapat lang na ang iba’t iba pang sektor, lalo na ang mga kabataan ay makiisa rin sa laban ng ating mga Lakbayani para sa pagtataguyod ng pagbabago sa ating lipunan,” ani Te. ■






The post Hustisya sa karahasan sa US Embassy, hangad ng mga katutubo appeared first on Philippine Collegian.


Viewing all articles
Browse latest Browse all 199

Trending Articles