■ Arjay Ivan Gorospe
Sunod-sunod ang naging pagbabanta ng mga armadong sibilyan sa mga magsasaka ng Barangay Mapalacsiao, Hacienda Luisita mula ika-30 ng Nobyembre hanggang ika-dalawa ng Disyembre.
Nakilala ng mga magsasaka ang mga armadong kalalakihan bilang mga tauhan ni Edison Diaz, kaalyado ng mga Cojuangco-Aquino at kapitan ng Barangay Mapalacsiao. Bagaman sinubukan ni Florida Sibayan, pangulo ng Alyansa ng mga Manggagawang Bukid sa Hacienda Luisita (AMBALA), na makipag-areglo sa mga sibilyan, nagpatuloy pa rin ang banta sa mga magsasaka.
Hinabol umano ng mga tauhan ni Diaz ang mga magsasaka bitbit ang dala nilang mga itak, ayon kay Sibayan. Samantala, dalawa sa mga armadong sibilyan ang tumutok ng baril sa mga manggagawang bukid, dagdag pa niya.
Nagsimula ang pagbabanta sa pambabakod nina Diaz sa sakahan ng mga magsasaka. Tinayuan din nila ng mga kubo ang lupa ng mga taga-Mapalacsiao at pumoste rito upang magmanman sa lugar.
Si Diaz ay nasasangkot na sa pandarahas sa mga magsasaka mula pa taong 2014. Bukod pa sa kanya, nagbanta rin sa mga magsasaka ang mga tauhan mula Tarlac Development Corporation, isang kompanyang kaalyado ng mga Cojuangco-Aquino.
“Nababahala kaming mga magsasaka rito dahil kahit pa kumilos kami at magpa-blotter sa mga pulis, hindi namin maipagtanggol ang aming mga sarili dahil sila ay mga palakad ng mga Cojuangco-Aquino,” ani Sibayan.
Ang sanhi ‘di umano ng tangkang pandarahas ay ang sistema ng tambiolo o ang bunutang pamamahagi ng mga lupang sakahan sa mga magsasaka. Inihain ng dating Pangulong Benigno Aquino III ang tambiolo noong 2014. “Dahil dito, nag-aaway-away ang mga magsasaka sapagkat swertihan at hindi para sa lahat ang nangyayaring hatian sa lupa,” ani Sibayan.
Nakasaad sa Comprehensive Agrarian Reform Program ang pamamahagi ng kabuuang 9.12 milyong hektarya ng pribado at pampublikong sakahan sa mga magsasakang walang sariling lupa, kasama na ang Hacienda Luisita. Ngunit humigit tatlong dekada mula nang ipatupad ito, bigo pa ring maipamahagi ang lupa sa mga taga-Mapalacsiao.
Upang ipaglaban ang karapatan ng mga magsasaka, gumawa ng blotter report ang AMBALA tungkol pagbabanta ng pangkat nina Diaz sa lokal na kapulisan upang mapagbigay-alam ang insidente. Subalit wala pa ring aksyong nagagawa hanggang ngayon.
“Dapat agarang solusyonan ng Department of Agrarian Reform (DAR) at Philippine National Police (PNP) ang ganitong panawagan ng mga magsasaka. Dahil sa halip na panigan kami, ang labis pang pinoprotektahan ng lokal na pulis at pamahalaan ng Tarlac ay ang mga Cojuangco-Aquino,” ani Sibayan.
Iginigiit din ni Sibayan na dapat mamagitan ang DAR lalo na at nagpapatuloy ang panggigipit sa mga magsasaka.
“Nananawagan kami kay Pangulong Rodrigo Duterte na ipagkaloob sa mga magsasaka ang tunay na repormang agraryo. Kasalukuyang pinagsasabong ang mga magsasaka rito dahil sa sistema ng bunutang pamamahagi sa lupa,” ani Sibayan. ■
The post Mga magsasaka ng HLI, binantaan ng mga armadong sibilyan appeared first on Philippine Collegian.