■ Camille Lita at Rat San Juan
Makaraan ang pitong taong pagkakapiit sa Batangas Provincial Jail, nakalaya na ngayong araw ang pinakabatang bilanggong pulitikal at UP Diliman Film student na si Maricon Montajes matapos makapagpiyansa.
Nakalikom ng halagang P604,000 mula sa mga donasyon ang mga grupong nagtataguyod ng paglaya ni Maricon, gaya ng Task Force Freedom at Karapatan. Kasama sa mga tumulong ang ilang guro ng UP kabilang sina Propesor Rolando Tolentino at ngayo’y Department of Social Welfare and Development Secretary Judy Taguiwalo.
Isa si Maricon sa tatlong dinakip ng 743rd Squadron ng Philippine Air Forces sa Brgy. Mabayabas, Taysan, Batangas noong Hunyo 3, 2010.
Tinaguriang “Taysan 3,” kasamang nakulong ni Maricon sina Romiel Cañete at Ronildo Baes, matapos patawan ng gawa-gawang kaso tulad ng illegal possession of firearms and explosives, na karaniwang kasong isinasampa sa mga bilanggong pulitikal.
Dahil sa kawalan ng sapat na ebidensya, pinayagan ng Regional Trial Court ang Taysan 3 na makapagpiyansa noong Pebrero 12, 2016.
Kasalukuyan pang lumilikom ng sapat na pondo ang mga grupo upang palayain din sina Cañete at Baes. Sa kabuuan, halagang P900,000 ang hinihingi para sa piyansa ng dalawa pang bilanggong pulitikal.
Para sa mga mag-aaral ng Kolehiyo ng Pangmadlang Komunikasyon, isang tagumpay na maituturing ang paglaya ni Maricon.
“Sa panahon na ang pangulo ay walang tunguhin na magtatag ng pangmatagalang kapayapaan, at tuluyang tumatalikod sa mga pangako niya, hindi na ito ang panahon para tayo ay makampante at tumigil sa paglaban,” ani Almira Abril, dating Tagapangulo ng Konseho ng mga Mag-aaral ng kolehiyo.
Bagaman labis ang kasiyahan, nagpapatuloy pa rin ang paghingi ng hustisya para sa iba pang bilanggong pulitikal, ayon kay Concepcion Montajes, ina ni Maricon. “Hindi pa rin tayo tapos sa laban dahil naiwan pa rin si Romiel at Ronildo,” aniya.
Sa kasalukuyan, humigit-kumulang 400 pa ang bilanggong pulitikal sa bansa, ayon sa huling tala ng Karapatan noong Mayo 2017.
The post Maricon, malaya na appeared first on Philippine Collegian.