Quantcast
Channel: Balita – Philippine Collegian
Viewing all articles
Browse latest Browse all 199

Itatayong FC, walang faculty offices

$
0
0

BALITA

■ Camille Lita

Hindi magkakaroon ng mga opisina para sa mga guro ang ipatatayong Faculty Commons (FC) na nakatakda nang simulan sa Disyembre sa dating lugar ng nasunog na Faculty Center.

Kabuuang P300 milyon ang nakalaang pondo para sa bagong gusali na inaasahang matatapos sa loob ng mahigit isang taon. Kalahati nito ay manggagaling sa badyet ng UP samantalang ang natitirang P150 milyon ay mula sa mga donasyon, ayon sa mga ulat.

Bagaman walang faculty offices, magkakaroon pa rin ng exhibit halls, meeting areas, seminar rooms at mga kainan ang bagong FC. Nagsilbi namang inspirasyon para sa disenyo ng itatayong bagong FC ang renaissance painting na “Philosophy” ng kilalang pintor na si Raphael: mataas ang kisame, malawak ang espasyo at maraming hagdanan, ayon kay Office of the Campus Architect Director Enrico Tabafunda.

Dapat unang pinaglaanan ng espasyo ang mga silid-aralan at consultation areas ng mga guro at mag-aaral, ayon kay propesor Melania Flores, isa sa humigit-kumulang 250 propesor na nawalan ng faculty offices nang masunog ang dating Faculty Center noong ika-1 ng Abril 2016.

Pansamantalang nasa Acacia Residence Hall ang kaguruan ng Kolehiyo ng Arte at Literatura (KAL). Nakaplano silang ilipat sa Melchor Hall na kasalukuyang gusali ng Kolehiyo ng Inhenyeriya (CoE) alinsunod sa Land Use Plan of 1994 ng UP Diliman.

Mas malaking espasyo ng lupa ng UP ang dapat nakalaan sa academic units gaya ng mga silid-aralan, aklatan, laboratoryo at research facilities, ayon din sa naturang Land Use Plan.

Hindi pa makalipat ang CoE dahil sa problema sa alokasyon ng pondo at lokasyon ng mga ipatatayong mga gusali nito, ayon kay Dekana Rizalinda de Leon. Ililipat ang KAL sa Melchor Hall matapos ipatayo ang mga kakulangang gusali ng CoE.

“[S]ome of the land allocated for the college, according to the Land Use Plan, have existing structures or have already been built upon by others, like School of Statistics and informal settlers,” dagdag pa niya.  

Para naman kay Flores, hindi rin dapat pinaghihintay ng CoE ang KAL dahil repleksyon ito kung paano pinapahalagahan ng mga kolehiyo ang ibang academic institutions.

“‘Yung ike-claim lang namin ay ‘yung karapatan para sa minimum na disente at may dangal na lugar kasi ‘yung ibang [disiplina ay] naglulunoy na sa convenience sa sobra-sobrang facilities,” dagdag pa ni Flores.

Bukod sa FC, nakaplano rin ngayong taon ang pagpapagawa ng College of Arts and Sciences Alumni Association (CASAA) Food Center na nasunog noong 2015 dahil sa pagsabog ng isang LPG tank. Naging mabagal ang usad ng proyekto dahil sa pagsasampa ng kaso ng ilang concessionaires sa isang kawani, ayon sa dating panayam kay Chancellor Michael Tan.

Gayunman, magiging mas moderno at maaliwalas ang ipatatayong bagong kantina na tatawaging CSSP Canteen, ayon kay Tabafunda. Sa labas na ng gusali ilalagay lahat ng tangke ng LPG upang mas maging ligtas, dagdag pa niya.

Sisimulan sa pagitan ng Oktubre at Disyembre ang konstruksyon ng CSSP Canteen na nakatakdang matapos sa loob ng anim na buwan. Kukunin ang nakalaang P5 milyong pondo nito mula sa kita ng UP sa land rentals ng UP Town Center at Technohub, ayon kay Tan.  

Napatagal ang usad ng plano para sa FC at CSSP Canteen dahil kailangang iakma ang disenyo nito sa mga probisyong nakasaad sa Fire Code, ani Tabafunda. Dagdag na fire exits at paglimita sa paggamit ng light materials gaya ng mga kahoy ang isa sa mga teknikal na hakbang ng UP upang makaiwas na sa mga sunog, dagdag niya.

Hinahanapan ni UP President Danilo Concepcion ng pondo ang pagpapaayos ng mga gusali ng UP at sinisiguradong dadaan ito sa tamang proseso dahil ayaw niya ng “mukhang maruruming gusali,” ani Vice President for Public Affairs Jose Dalisay, Jr. Maraming pera ang UP ngunit nagkakaproblema sa procurement process, dagdag pa niya

Bilang tugon sa mabagal na usad ng procurement, nag-organisa ng high-caliber group si Concepcion upang mapadali ang proseso nito, ayon sa binuong resolusyon ng Board of Regents noong ika-5 ng Abril.  

Samantala, hiling ng mga mag-aaral na huwag ilaan ang espasyo ng UP sa mga pribadong negosyo at huwag mapasukan ng fastfood chains ang ipatatayong FC at CSSP Canteen. Inaasahan ding magagamit ang bagong FC para sa org tambayan at mga klase ng KAL na naapektuhan ng sunog, ayon kay Gabby Lucero, Community Rights and Welfare head ng University Student Council.

“It’s important that, in rebuilding these spaces, substandard materials shouldn’t be used. The budget should be used in full capacity to ensure no fire will happen again,” dagdag niya. 

 

The post Itatayong FC, walang faculty offices appeared first on Philippine Collegian.


Viewing all articles
Browse latest Browse all 199

Trending Articles