ni Jona Claire Turalde
Matapos ang isang buwan, hindi pa rin natatanggap ng ilang guwardiya sa UP Diliman (UPD) ang kalahati ng kanilang 13th month pay at ilan pang benepisyo para sa nakaraang taon.
Ayon sa mga guwardiyang nakapanayam ng Collegian, ika-25 ng Disyembre nang ibigay sa kanila ng ahensyang NorthComm ang kalahati ng 13th month pay nila na aabot ng P5,500. Ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin binibigay sa kanila ang kabuuang bayad ng P11,500. Hindi rin umano naibigay ang kanilang clothing allowance na nagkakahalagang isang libong piso para sa nakaraang taon.
Batay sa Labor Code, katumbas ng isang buwang sahod ang dapat na matanggap ng mga guwardiya para sa kanilang 13th month pay na ibibigay tuwing Disyembre.
Isa si Jose, 38, sa 175 na guwardiya na nasa ilalim ng pamunuan ng NorthComm. Sa 15 taong panunungkulan niya bilang guwardiya sa UP, hindi na raw bago ang pagkaantala sa pagbigay ng mga benepisyo ng mga ahensyang humahawak sa kanila.
Para kay Jose, isang malaking abala ang kulang at huling pagbibigay ng 13th month pay dahil ito sana ang kanilang gagastusin noong pasko. Kinailangan pa nilang umutang para lamang magkaNoche Buena ang kaniyang pamilya.
“Medyo nadelay ang kalahati ng 13th month pay, pero mukhang within this month ay makuha na nila dahil inaayos na ang checke, natagalan lang dahil sa pagproseso ng papers”, ani Ely del Remedio isa sa kinatawan ng NorthCom.
Bukod sa kakulangan sa natatanggap na bayad, hindi rin umano pinapakitaan ng payslip ang mga guwardiya para sa kanilang sahod tuwing buwan. Pinapapapirma na lamang ang mga ito na natanggap na nila ang bayad, ani Jose.
Dahil walang payslip na natatanggap, ang mga guwardiya na mismo ang kumakalkula kung tama ba ang nakukuha nilang sahod.
“[P]osible na hindi nila maibigay kasi magrereflect doon kung magkano talaga ang actual na binabayad nila at kung ano-ano ang binabawas nila,” ani Nelin Estocado ng Alliance of Contractual Employees in UP.
Subalit ayon naman kay del Remedio, natatanggap naman ng mga guwardiya ang payslip nila.
Dagdag ng mga guwardiya, marahil ay kulang ang nabibigay sa kanilang benepisyo dahil mas mababa ang kontratang pinirmahan ngayon ng unibersidad para sa ahensyang mangangasiwa sa kanila.
Dumadaan sa proseso ng bidding ang mga ahensya bago sila kunin ng UP. Nilalatag sa proseso kung magkano ang lalamanin ng kontrata para sa isang taon. Mula sa P67 milyong kontrata sa ahensyang nangangasiwa sa mga guwardiya noong 2015, bumaba sa P61 milyon ang naging bid ng NorthComm.
“Actually 61 milyon[g] [piso] ang ibinid namin na…kaya malaki ang natipid ng UP samin,” ani Romer Villarta, kawani ng NorthComm na nangangasiwa sa billing.
“Ang relationship ng agency at empleyado nila ay exploitative [kaya] iyon ang nakakalungkot na sitwasyon na kahit sa loob ng UP ay nangyayari ang ganitong klaseng kalakaran,” ani Estocado.