Ni Hans Christian E. Marin
Halos 2.3 milyong kabataan na may edad apat hanggang 15 taon gulang ang hindi makapag-aaral dahil sa implementasyon ng K to 12 Curriculum, o ang pagdaragdag ng dalawang taon sa elementarya sa ilang pampublikong paaralan, batay sa datos na inilabas ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) Partylist.
Paiigtingin umano ng pagpapatupad ng K to 12 ang kaso ng kahirapan sa bansa na siyang magpapababa ng bilang ng mga mag-aaral sa mga pampublikong paaaralan, ayon sa ACT.
“How can the Aquino administration claim that it’s ready for K to 12 when it can’t even provide basic access to schools to millions of children,” ani ACT Partylist Representative Antonio Tinio sa isang pahayag.
Epekto sa mga estudyante
Bilang pagtutol sa K to 12, sinalubong ng protesta ng Stop K to 12 Alliance na binubuo ng ACT at Kabataan partylist ang unang araw ng klase sa mga pampublikong paaralan noong ika-1 ng Hunyo.
“The additional component of two years in Aquino’s K-12 program is an additional burden to Filipino families. It does not solve but only worsen the problem of inaccessibility of Philippine education,” ani Sarah Jane Elago, pambansang tagapangulo ng National Union of Students of the Philippines.
Batay sa datos mula sa ACT, kulang pa rin ng mga guro, silid-aralan, suplay ng tubig, kuryente, textbook at internet ang iba’t ibang paaralan na higit na dadami ang bilang pagkatapos ng implementasyon ng K to 12 (sumangguni sa sidebar). Sa kabila ng nakalaang badyet hindi naisagawa ang pagpapatayo ng 59,671 silid-aralan noong nakaraang taon.
May badyet na nakalaan para sa mga kakulangan at problema na ito sa edukasyon ng bansa ngunit hindi lahat ay nagagamit nang tama, ayon kay ACT National Chairperson Benjamin Valbuena.
Ayon sa datos mula sa Anakbayan Partylist, tinatayang aabot sa P13.2 bilyon hanggang P19.8 bilyon ang ibibigay ng Department of Education (DepEd) sa mga pribadong paaralan katulad ng STI Education Systems at Informatics Holdings Philippines para sa mga estudyante na maaaring hindi makapag-aral sa mga pampublikong paaralan bilang voucher.
Binigyang-diin naman ng DepEd na magsisilbing subsidiya ang voucher na aabot hanggang P22,000 para sa mga estudyante na maaapektuhan ng programang K to 12 sa 2016.
Tinatayang aabot ng halos P100,000 sa pampublikong paaralan at P200,000 sa mga pribadong paaralan ang matrikula at pang araw-araw na gastusin ng bawat estudyante para sa dagdag na dalawang taon sa hayskul. Kaugnay nito, 60 porsyento lamang daw ng kabuuang bilang ng mga estudyante o 2.2 milyon ang maaaring makapag-aral.
Halos 800,000 hanggang 1.4 milyong estudyante naman ang maaaring mapabilang sa ‘dropout’ o mawalan ng papasukan na pampublikong paaralan sakaling maisakatuparan ang K to 12 para sa akademikong taong 2016.
Naniniwala si Yshi Banez, Grade 7 mula sa Pasig City Science High School, na hindi handa ang mga pampublikong paaralan sa K to 12. Malaki pa rin umano ang ginagastos niya sa araw-araw kahit wala siyang pangmatrikula dahil sa baon, pamasahe, at mga proyekto.
“[A]ng ang tagal [ng pag-aaral] baka tamarin ‘yung iba…kahit walang tuition, ‘yung gastos sa araw-araw malaki, mahirap pa din,” ani Yshi
Sa kabila ng mga dinadanas ng mga estudyante sa K to 12, malaki rin ang magiging epekto ng bagong curriculum sa mga guro dahil sa kawalan ng mga papasok na mag-aaral sa mga kolehiyo at unibersidad simula 2016 hanggang 2018, ayon sa ilang grupo ng mga guro at kawani na kilala bilang Suspend K-12 Coalition.
Suliranin ng mga guro
Naghain ng petisyon ang Suspend K-12 Coalition hinggil sa 25,000 hanggang 78,000 mga guro na nanganganib mawalan ng trabaho sa 2016. Muli lamang magkakaroon ng mga estudyante sa apat na taon ng kolehiyo sa taong 2021.
Binigyang solusyon ng DepEd ang kawalan ng trabaho ng mga guro sa pamamagitan ng pagbibigay ng trabaho ngunit mas mababa ang sweldo, tulad ng pagiging guro sa high school ng isa dating propesor sa kolehiyo. Tumatanggap lamang ng P15,999 hanggang P22,086 kada buwan ang isang guro sa high school kumpara sa P21,000 hanggang P41,000 na nakukuha ng mga nagtuturo sa kolehiyo.
May 74,000 na trabaho naman ang nakalaan para sa mga guro at ibang pang personnel ng mga paaralan. Bukod dito, may mga masteral at doctoral degrees din na maaaring ipagkaloob sa mga guro, ayon kay DepEd Secretary Armin Luistro.
“As long as there is K to 12, we can lose our jobs. If there will be no students who would enroll in college, our salaries will be affected,” ayon sa isang pahayag ni Rita Cucio, propesor sa San Beda College.
Simula noong Marso, limang petisyon na ang inihain sa Korte Suprema kung saan pinangunahan ni Senator Antonio Trillanes IV ang pagkastigo sa implementasyon ng K to 12 dahil hindi umano nakaayon sa konstitusyon ang ilang mga probisyong nasabing curriculum sa edukasyon, trabaho, at ekonomiya ng bansa.
“We need state priority seen through greater budget and policies that protect the accessibility of education and its quality rather than passing the responsibility to commercial entities,” ani University Student Council Councilor Miguel Pangalangan.
Bilang ng mga kabataan na hindi makakapag-aral
Kabuuang populasyon | Bilang ng mga out-of-school | |
Kindergarten | 2.7 milyon | 574,429 |
Elementarya | 15 milyon | 838,374 |
Secondarya | 8 milyon | 1.1 milyon |
Bilang ng pangangailangan ng mga pampublikong paaralan
Kailangan ng isang pampublikong paaralan | Bilang ng kinakailangan sa kasalukuyan | Bilang ng kakailanganin sa K to 12 |
Guro | 57,167 | 60,000-82,000 |
Silid-aralan | 12,942 | 95,000 |
Supply ng tubig | 4,281 | n/a |
Kuryente | 10,514 | n/a |
Textbook | 24 milyon | 60 milyon |
Koneksyon ng Internet | 395 | n/a |
Sanggunian:
Protests vs K to 12 mark school opening. (2015, June 02). Retrieved June 09, 2015, from http://bulatlat.com/main/2015/06/02/protests-vs-k-to-12-mark-school-opening/