ni Arjay Ivan R. Gorospe
Napuno ng humigit-kumulang 30,000 kasapi ng mga progresibong grupo ang kahabaan ng Batasang Pambansa noong ika-25 ng Hulyo upang ipanawagan ang pagpapatuloy ng usaping pangkapayapaan at repormang agraryo sa unang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sanhi ng kakulangan ng pondo, inabot ng limang araw ang biyahe ng mga magsasaka, mangingisda, at mga mahihirap sa kanayunan ng Mindanao at Timog Luzon upang buuin ang tinaguriang Rural People’s Caravan for Land and Peace.
Tinatayang nagmula ang sampung porsyento ng kabuuang bilang ng mga lumahok sa kilos protesta sa delegasyon ng Manilakbayan na nanuluyan sa UP Diliman mula ika-23 ng Hulyo hanggang sa mismong araw ng SONA.
Taliwas sa mga nagdaang SONA, malayang nakapagsagawa ng kilos protesta ang mga militante matapos silang payagang pumasok mismo sa loob ng Kamara. Malaya ring nakapagmartsa ang mga tao nang walang pagpigil mula sa kapulisan.
“Nirespeto [ni Duterte] ‘yung karapatan nating magpahayag. Tinotoo niya lang yung napag-usapan sa inauguration sa Malacanañg na nagpaalam tayo na sana makalapit kami,” ani Renato Reyes, punong kalihim ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN).
Tampok sa unang SONA ni Duterte ang pagdedeklara ng ceasefire sa pagitan ng pamahalaan at ng Communist Party of the Philippines-National Democratic Front of the Philippines-National People’s Army (CPP-NDFP-NPA), na binawi rin naman noong ika-30 ng Hulyo.
Mula nang itatag ang CPP noong 1968 upang isulong ng pangkalahatang reporma sa estado, mahigit apat na dekada nang mayroong guerilla war sa pagitan ng grupo at militar.
Dalawang araw matapos ang deklarasyon ng ceasefire, isang militar ang napatay habang apat naman ang sugatan sa naganap umanong pananambang ng NPA na nag-udyok sa pangulo na bawiin ang ceasefire.
“To further support peace negotiations, the CPP is willing to issue a unilateral ceasefire declaration separately but simultaneously with the Duterte government on August 20. The timeframe can be determined through negotiations,” pahayag ng CPP.
Sa kabila naman ng halos isa’t kalahating oras na SONA, walang nabanggit ang pangulo ukol sa usapin ng reporma sa lupa.
Sa kanyang kampanya noong Pebrero, ipinangako ng pangulo sa harap ng 100 magsasaka ang tunay na repormang agraryo.
“If I get to be president, I will tell the Bureau of Soil or Agriculture, make me a color-coded map, see which crop is best in this area, and we can focus the assistance that we will give to the farmers,” aniya.
Maliban sa pagtulong sa mga katutubo, idiniin ng mga magsasakang mula sa Bikol ang isyu laban sa militarisasyon. Samantala, iginiit naman ng mga Lumad ang kanilang karapatan kontra sa industriya ng pagmimina.
“Duterte’s first SONA should remind the people of the need to continue the struggle for genuine change—independent of the regime—even as we continue to engage the regime in alliance and cooperation,” pahayag ng BAYAN. ■
The post Positibong pagbabago, inaasahan ng progresibong grupo appeared first on Philippine Collegian.