Quantcast
Channel: Balita – Philippine Collegian
Viewing all articles
Browse latest Browse all 199

Maroons, naungusan ang Warriors, 75-71

$
0
0

■ Hans Christian E. Marin

Nasungkit ng UP Fighting Maroons ang una nitong panalo sa ikaapat nilang bakbakan sa University Athletics Association of the Philippines (UAAP) men’s basketball Season 79 matapos makalusot kontra University of the East (UE) Red Warriors, 75-71, Setyembre 21 sa Mall of Asia Arena.

Napag-iwanan muna ang Maroons sa unang quarter dahil sa nag-aalab na opensa ng Warriors sa pangunguna ni guard Edison Batiller, 8-19. Bumangon naman ang UP sa huling dalawang minuto ng quarter matapos ang 8-0 run na winakasan ng layup ni guard Dave Moralde upang putulin ang kalamangan ng UE, 16-19.

Hindi na nag-atubili ang Maroons sa ikalawang quarter matapos ang 13-0 run na pinangunahan ng anim na puntos ni Manuel upang makamit ang pinakamalaki nilang kalamangan, 29-19. Naging urong-sulong ang palitan ng run sa quarter matapos kumamada ng pinagsanib na 13 puntos si Batiller at forward Mark Olayon upang manguna, 34-37 sa bisa ng 18-5 run.

Gitgitan naman ang ikalawang half matapos makipagpalitan ng puntos si UP guard Paul Desiderio na nagtala ng 8 puntos at UE guard Emil Palma na nagposte ng 9 puntos sa ikatlong quarter upang mapag-iwanan lamang ng isa ang UP, 57-58. Nagpatuloy lamang ang dikit na sagupaan hanggang sa huling dalawang minuto ng laban kung saan naitabla ang iskor, 69-69.

Sa huling minuto ng bakbakan, ipinamalas ng Maroons ang kanilang mala-lintang depensa upang pigilan ang mga kamador ng UE na sina Batiller at Olayon na umiskor. Naging mahalaga rin ang apat na makapigil-hiningang free throws nina captain ball Jett Manuel at guard Dave Moralde upang iselyo ang kanilang kauna-unahang tagumpay sa season, 75-71.

“It’s kind of cliché, but there’s always a light at the end of the tunnel. We practiced well so our challenge is to transfer everything we practiced into the game,” ani UP coach Bo Perasol.

Nagpakawala ang Best Player of the Game na si Desiderio ng 17 puntos, 10 rebounds, at 2 steals, si Manuel na may 17 puntos, 4 rebounds at 3 assists, at Moralde ng 13 puntos, 5 rebounds, at 2 assists para sa Maroons.

Kumamal naman ng 50 rebounds ang UP sa buong laro, mas mataas ng 9 sa 41 lamang ng UE. Naging mas mainit din ang opensa ng Maroons kung saan nagtala sila ng 41.94 porsyento sa field goal, mas mataas ng 7 sa 34.72 porsyento ng Warriors.

Umangat ang panalo-talo kartada ng UP sa 1-3 samantalang nanatili pa ring walang panalo ang UE, 0-4.

“Malaking bagay ‘to kasi naiisip namin kung mag-0-14 ba kami. Ngayon, iisipin na lang namin ay yung susunod na laro,” dagdag ni Perasol.

Susunod na haharapin ng Maroons ang Far Eastern University Tamaraws (2-2) sa Setyembre 25, ikalawa ng hapon sa Mall of Asia Arena. ■

UP 75:  Manuel 17, Desiderio 17, Moralde 13, Gomez De Liano 7, Dario 7, Lim 5, Harris 4, Prado 2, Lao 2, Romero 1

UE 71: Olayon 15, Batiller 14, Abanto 11, Denge 9, Palma 9, Manalang 7, Charcos 4, Pasaol 2

Quarterscores: 16-19, 34-37, 57-58, 75-71

The post Maroons, naungusan ang Warriors, 75-71 appeared first on Philippine Collegian.


Viewing all articles
Browse latest Browse all 199

Trending Articles